KALIBO, Aklan — Nangako ang pamunuan ng Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital o Aklan Provincial Hospital na masusing susuriin ang mga pangyayari sa pagkamatay ng isang buntis at ng kaniyang sanggol kasunod ng panawagan ng pamilya para sa hustisya at malinaw na paliwanag.
Sa opisyal na pahayag na ipinalabas araw ng Martes, Oktubre 27, nagpahayag ng pakikiramay ang pamunuan ng ospital at sinabing batay sa mga available na clinical documentation, namatay na ang sanggol sa sinapupunan bago pa dumating sa ospital ang ina.
Matatandaang kinuwestiyon ng pamilya ang umano’y pagkaantala sa pagsasagawa ng emergency cesarean section o CS sa pasyente, na dinala sa ospital noong Oktubre 23 dahil sa matinding pananakit ng tiyan at mataas na presyon ng dugo. Ayon sa pamilya, ilang ulit silang humiling na agarang maisagawa ang operasyon hanggang tuluyang pumanaw ang buntis bandang alas-12:30 ng madaling-araw noong Oktubre 24.
Ayon sa ospital, isasagawa ang pagsusuri nang patas at objective, alinsunod sa mga umiiral na patakaran ng pasilidad at mga alituntunin ng Department of Health (DOH), upang matukoy ang mga kinakailangang hakbang para mapabuti ang kalidad at kaligtasan ng mga serbisyong pangkalusugan.
Hindi naman maglalabas ang ospital ng karagdagang personal o medikal na impormasyon ng pasyente bilang pagsunod sa mga patakaran sa pagiging confidential.













