KALIBO, Aklan — Naniniwala ang pulisya na binaril muna ng 48-anyos na lalaki ang kanyang 41-anyos na live-in partner at pagkatapos ay pinaputukan din ang sarili habang nasa loob ng naka-park na sasakyan sa gilid ng kalsada sa Brgy. Panilongan, Buruanga, Aklan.
Ayon kay P/Capt. Larry John Vidal, hepe ng Buruanga Municipal Police Station na kapwa may tama ng bala sa dibdib ang mag-live-in partner na sinasabing sanhi ng kanilang pagkamatay.
Kinilala ang mga biktima na sina Leda Candelario Cenon, MLGOO-Officer, tubong Tangalan, Aklan at Richan Bartolome, administrative aid, kapwa empleyado ng lokal na pamahalaan ng Buruanga.
Halos limang taon na umano ang mga itong nagsasama at may isang anak na lalaki na limang taong gulang.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Buruanga Municipal Police Station, hinatid muna ng misis ang kanilang anak sa pamilya ng kanyang live-in partner sa naturang lugar.
Sinasabing habang pabalik na ito sa kanyang sasakyan dakong alas-8 ng umaga ay sumunod ang mister at maaring nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa.
Sa kasagsagan ng mainitang pagtatalo, maaring bumunot umano ng baril ang mister at malapitang pinaputukan ang kanyang misis na nakaupo sa driver seat at nasapol ng bala sa dibdib.
Kasunod nito, pinaputukan rin ng lalaki ang kanyang sarili.
Natagpuang kapwa duguang nakabulagta ang dalawa sa loob ng kanilang sasakyan dakong alas-5:00 na nang hapon sa gilid ng daan na walang masyadong pamamahay.
Narekober sa crime scene ang isang .38 kalibre na baril na kargado ng apat na bala at dalawang basyo ng bala.
Walang nakitang entry at exit point na gunshot sa sasakyan ng mga biktima.
Dagdag pa na matagal nang may hindi pagkakaunawaan ang dalawa at gusto na umanong makipaghiwalay ng misis subalit ayaw ng kanyang mister.
Mistulang planado ng lalaki ang pangyayari dahil bago nangyari ang krimen ay gumawa umano ito ng kasulatan kung kanino ibibigay ang kanilang mga naipundar na ari-arian at kung sino ang mag-aalaga sa kanilang anak.
Ang dalawa ay may bahay sa Brgy. Santander sa naturang bayan subalit halos isang buwan nang hindi nagsasama.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa pinag-awayan ng dalawa na naging ugat ng krimen.